Siniguro umano sa world governing body ng football na FIFA na papayagang makapanood ang mga kababaihan sa Iran ng mga football match.
Ayon kay FIFA President Gianni Infantino, tinalakay na raw nito ang isyu sa mga Iranian authorities matapos ang pagkamatay ng isang babaeng fan nitong buwan.
“We need to have women attending,” wika ni Infantino.
“We have been assured that as of the next international game of Iran… women will be allowed to enter football stadiums. This is something very important – in 40 years this has not happened, with a couple of exceptions.”
Matapos kasi ang 1979 Islamic revolution ay ipinagbawal na para sa mga kababaihan na magtungo sa mga stadium kung saan naglalaro ang mga kalalakihan.
Nitong buwan lamang nang bawian ng buhay ang football fan na si Sahar Khodayari nang dakpin ito dahil sa pag-disguise nito bilang lalaki para makapanood ng laro.
Sa takot na makulong, sinilaban ni Khodayari ang kanyang sarili sa labas ng korte at tuluyan na itong namatay makalipas ang isang linggo. (BBC)