Kinumpirma ng weather bureau ng Department of Science and Technology na inabot na ng tubig-baha ang ilang mga kabahayan sa probinsya ng Albay ngayong araw, bago pa man ang malawakang pag-ulan dulot ng Super Typhoon Pepito.
Ang mga naturang lugar ay pawang malapit sa mga karagatan.
Ayon kay Weather Service Asst. Chief Chris Perez, inabot ang mga kabahayan dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa mga karagatan. Ito aniya ay palatandaan ng paparating na storm surge.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga residente na naninirahan sa mga lugar na malapit sa mga karagatan na agahan na ang paglikas dahil sa posibleng lalo pang tataas ang lebel ng tubig at tuluyang abutin ang mga kalapit na komunidad.
Paliwanag pa ni Perez ito ang isa sa mga dahilan kayat mas maaga ang pagpapalikas na ginagawa sa mga residente sa mga coastal town.
Mapanganib aniya ang biglaang pagtaas ng tubig lalo na kung nangyari ito sa kalagitnaan ng gabi o habang nasa kalagitnaan ng pagpapahinga ang mga residente.
Samantala, nang matanong ang opisyal ukol sa pagkakaiba ng storm surge na tumama noong nanalasa ang Super Typhoon Yolanda mahigit isang dekada na ang nakakalipas at sa storm surge na maaaring maranasan ngayong Super Typhoon Pepito, sinabi ni Perez na noong Yolanda ay umabot sa anim na metro ang taas ng mga daluyong habang ngayong ST Pepito ay maaaring aabot ng tatlong metro.
Gayunpaman, gaano man kataas ang daluyong mas nakabubuti aniyang lumikas ng mas maaga bago pa man tumama ang bagyo.