DAVAO CITY – Apektado ang iilang mga kabahayan sa nangyaring pagguho ng lupa sa isang residential area na matatagpuan sa bukiring bahagi ng Purok Waling-waling, Brgy. Mainit, Maco, probinsya ng Davao de Oro, bandang alas-4 ng madaling araw.
Ayon sa nakalap na impormasyon mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Maco as of 1:00PM, umabot sa 24 na pamilya ang apektado, habang naitala rin ang anim na bahay na totally damaged at pitong partially damaged na mga bahay.
Kinumpirma naman ni Randy Loy, PDRRMO officer, na walang naitalang casualties sa naturang insidente.
Samantala, nagsagawa ng relief operations ang Provincial Social Welfare and Development Office kung saan magbibigay ang lokal na pamahalaan ng family tents sa mga apektadong residente.
Pinuntahan din ni Governor Dorothy Gonzaga, Cong. Ruwel Peter Gonzaga at Maco Mayor Arthur Carlos Volatire Rimando upang suriin ang iba pang mga pangangailangan ng mga biktima ng naturang kalamidad.