-- Advertisements --

ROXAS CITY – Tinupok ng apoy ang ilang mga kabaong sa De Jesus Funeral Homes sa bayan ng President Roxas, Capiz.

Ang naturang punerarya ay pagmamay-ari ni Mike Jimenez na gawa sa mixed-materials.

Ayon sa caretaker na si Wilbino Andrada, wala silang naisalbang mga kagamitan dahil halos nilamon na ng apoy ang bahay nang dumating ito.

Aniya, maliban sa mga kabaong ay nasunog din ang isang motorsiklo at likod na bahagi ng kanilang sasakyan.

Ayon naman kay Donna Biaco, nagulat na lamang ito nang lumabas sa CR at nakitang tinutupok na ng apoy ang ikalawang palapag na kanilang tinutulugan.

Sa halip umano na magligpit ng gamit ay inuna nitong maisalba ang mga anak na noo’y nakatago sa ilalim ng lamesa dahil sa sobrang takot.

Posible umanong nagmula ang sunog sa sirang linya ng koryente dahil may nakita itong sumiklab sa kanilang wiring.

Ayon naman kay FO1 Elmer Acolentaba, Jr. ng president Roxas Municipal Fire Station, upang hindi na lumawak pa ang sunog ay minabuti nilang humingi ng tulong sa municipal fire stations sa malapit na mga bayan kung kaya’t kaagad na naapula ang apoy.

Sa ngayon ay umaabot umano sa P200,000 ang inisyal na danyos ng naturang sunog.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad.