CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng kilos protesta ang grupo ng mga kabataan para pababain sa puwesto si Malaysian Prime Minister Muhyiddin Yassin dahil sa patuloy daw na paglobo ng kaso ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iniulat ni Ernalyn Moral Bueno, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Malaysia na kahapon ay may anti-government protest na isinagawa at karamihan ay mga kabataan.
Gusto nilang pababain ang prime minister ng Malaysia dahil sa hindi magandang paglaban sa COVID-19.
iIginiit nila na kung noon pa naghigpit ang kanilang pamahalaan ay hindi aabot sa mahigit isang milyon ang kaso ng bansa.
Ayon kay Bueno, noong buwan ng Hunyo pa nagsimula ang total lockdown sa naturang bansa pero patuloy pa rin ang pagdami ng kaso dahil na rin sa katigasan ng ulo ng mga tao.
Aniya, ipinagbabawal na ang pagpunta sa ibang distrito at may multang limang libo hanggang sampong libong Ringgit o katumbas ng P100,000 ang sinumang lalabag.
Sa ngayon ay marami na sa mga maliliit na tindahan ang nagsara pero bukas pa naman ang mga mall, restaurants at food deliveries.
Isang tao lamang ang pinapayagang sakay ng mga sasakyan at 10 tao lang ang maaring makapasok sa mga groserya.
Tuluyan na ring ipinagbawal ang mass gathering dahil ito ang naging dahilan ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Malaysia.