Mas maraming kabataang Filipino ngayon ang mas gustong magtayo ng sariling negosyo at magkaroon ng iba’t ibang raket o sideline sa halip na manatili sa isang trabaho na pangmatagalan.
Batay sa pag-aaral ng PhilCare, na nag-survey ng mga kabataang Filipinong edad 16 hanggang 26 na kabilang sa henerasyon na tinatawag na GenZ, or Zoomers, 28 percent ang nagsabing mas gusto nilang magtayo na lang ng sariling business; twenty six (26) percent ang nagsabi na kung maghahanap-buhay man sila, mas gusto nila na flexible ang kanilang oras sa trabaho.
Twenty four (24) percent naman ang nagsabing mas gusto nilang magkaroon ng mas maraming sideline o “gig” kaysa isang full time na trabaho.
Ayon kay Dr. Fernando Paragas, Philcare lead researcher at Dean ng UP College of Mass Communications, lumalabas sa pag-aaral na hindi lang basta trabaho ang hinahanap ng mga GenZ dahil mas mahalaga sa kanila na magkaroon ng makabuluhang karera na akma sa kanilang personal lifestyle at propesyonal na mga layunin.
Lumabas din sa survey na number one priority ng mga kabataang empleyado ang pagkakaroon ng magandang health benefit sa trabaho, malapit lang ang trabaho sa kanilang tahanan at pangatlo naman sa kanilang wishlist ang masayang work environment habang nasa pang-apat lamang sa listahan ng priority ng mga kabataan ngayon, ayon sa Philcare survey, ang sweldo.
Ayon kay PhilCare President Jaeger Tanco, ang survey na ito ay mahalaga sa mga kumpanya upang higit silang makapag-adjust sa mga pangangailangan at paniniwala ng mga bagong empleyado na pawang binubuo ng mga kabataan.