Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Debold Sinas na sampahan ng administrative charges ang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) matapos umanong gulpihin ang kapwa kadete sa New Year’s Eve.
Ayon sa PNP-PIO, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na inatake ni Cadet First Class Denvert Dulansi si Cadet First Class Joab Mar Nacnas sa school building roof deck sa Camp Castañeda, Silang, Cavite.
Sinabi ni Sinas na hindi kukunsintihin ng PNP ang mga kadeteng walang disiplina.
Una rito, sinita umano ni Nacnas si Dulansi at dalawa pang first class cadets habang nag-iinuman.
Dahil sa mainitang sagutan, binugbog ng mga kadeteng nag-iinuman si Nacnas.
Agad naman itong isinugod sa Qualimed Hospital for treatment agad namang idineklarang maayos na ang kalagayan at wala namang natamong internal injury base sa CT scan at X-ray examinations.
Agad namang itinurn over si Dulansi sa Silang Municipal Police Station para sa imbestigasyon.
Kasunod nito, ipinag-utos naman ni Sinas ang Directorate for Human Resource and Doctrine Development na ilagay ang mga sangkot na kadete sa restriction habang inaayos ang kanilang termination at dismissal proceedings.