Nasa 560 brand new assault rifles ang binili ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Israel na gagamitin ng mga ahente ng ahensiya sa kanilang anti-illegal drugs operation.
Ang mga bagong biling armas ay tugon din ng ahensiya sa kakulangan ng kanilang mga armas.
Ayon kay PDEA dir. General Aaron Aquino, kamakailan lamang ay nagtungo sila sa Israel at nagsagawa ng pre-delivery inspection sa 560 units ng assault rifles na nakatakdang i-deliver ngayong first quarter ng taon.
Tiniyak naman ng PDEA chief na mananagot ang mga ahente na gagamitin ang mga nasabing armas sa katiwalian.
Dagdag pa ni Aquino na bukod sa mga assault rifles, may nakalinya na ring programa ang ahensiya para bumili ng mga dagdag na intelligence equipments ngayong taon.
Kinumpirma rin nito na nasa 200 body cameras ang bibilhin ng PDEA ngayong taon.
Giit ng opisyal na may direktiba na siyang inilabas kaugnay sa paggamit ng bodycam sa tuwing magsasagawa ng operasyon.
Sa ngayon tig-limang body cameras ang ibinigay sa mga regional offices ng PDEA sa buong bansa.
Gagamit na rin ang PDEA ng mga drones sa kanilang monitoring.
Isasailalim sa training ng ahensiya ang lahat ng kanilang mga drone operators.
“Sa lahat ng operators ay tuturuan namin. We will conduct a briefing and short training on how to operate the drones kasi mahirap yan eh, kapag hindi alam ng operator baka umpisa pa lang bumagsak na kaagad yan, malaki ang problema namin,” pahayag ng PDEA chief.
Inihayag din nito na ang mga bibilhin nilang mga drones ay may night capability.