DAVAO CITY – Pinasinungalinagan ng isang Ruso ang mga napapabalita sa social media at iba pang western countries media na mga kaguluhang nagaganap sa Russia dahil sa ipinapanukalang military reservist enlistment.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Davao kay Russian correspondent Sergey Romanov, inilahad niya na nananatiling payapa ang kanilang bansa.
Sa katunayan ay naging matagumpay kamakailan ang isinagawang pagpapalaya sa ilang mga rehiyon sa pagitan ng mga bansang Russia at Ukraine.
Nilinaw din ni Romanov ang mga lumalabas na mga panawagan sa social media tungkol sa military enlistment sa bansa na magpapasabak sa mga bagong recruit na mga militar sa digmaan.
Aminado siyang nagdulot ng panic sa iba pang mga Ruso ang kanilang natanggap na imbitasyon para sa military enlistment.
Ngunit nawala ang pag-aalala ng mga mamamayan nang humingi ng dispensa at nilinaw ni Russian President Vladimir Putin na hindi isasabak sa gyera ang lahat ng mae-enlist na mga sundalo.
Sa halip ay ipupwesto lamang sila sa mga borders ng Ukraine at Russia upang mapanatili ang kaligtasan ng mga Ruso.
Natatandaang unang inanusyo ni President Putin ang partial mobilization sa humigit kumulang tatlong daang libong mga lalaking Russian reservists.
Samantala, libo-libong mga apilikante ang pinapauwi matapos malamang hindi sila “fit” na maging bahagi ng militar. May mga naitatala ring mga ulat na iilang lalake sa bansa ang gumagastos ng humigit kumulang $620 upang makakuha ng HIV diagnosis at makaalis mula sa enlistment.