-- Advertisements --

Tiyak umanong matutuliro si undefeated boxer Keith Thurman sa oras na magbakbakan na sila ni Sen. Manny Pacquiao sa MGM Arena sa Las Vegas sa darating na Hulyo 21.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng batikang boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino, magugulat at malilito raw si Thurman sa kakaibang istilo ni Pacquiao sa ibabaw ng ring.

Katunayan ay nahirapan pa nga raw ang American champion na maghanap ng sparring partner na kagaya ni Pacquiao kung kaya kumuha na lamang umano ito ng mga boksingero para kopyahin ang isang istilo ng Pinoy ring icon.

Sa kaso naman ni Pacquiao, wala raw itong kahirap-hirap na nakakuha ng sparring partner na kuha ang istilo ni Thurman sa katauhan ng Australian na si Tim Tszyu.

Ayon pa kay Tolentino, dapat din umanong samantalahin ng Fighting Senator ang maluwag na depensa at pagiging mabagal ni Thurman sa pamamamagitan ng bilis at pagpapaulan ng body shots.

“Si Pacquiao, pressure fighter ‘yan [at] pumapasok [sa] maraming anggulo. Alam natin matutuliro si Thurman because he has never seen a fighter like Pacquiao who bounces from one part of the ring to another,” ani Tolentino.