Nakiisa sa pagdadalamhati ang mga kaibigan at supporters ng namayapang batikang aktres na si Gloria Romero sa ikatlong araw ng burol nito.
Kung saan ay damang-dama at kitang-kita ang lungkot sa mata ng mga nagsipagpunta sa isang Memorial Chapel na matatagpuan sa lungsod ng Quezon.
Sa paligid ng naturang lugar, masasaksihan ang pagbisita ng iba’t ibang mga panauhin kasama ang mga tagahanga ng beteranong aktres.
Katulad na lamang ni Lilia Garcia na isang masugid na tagahanga ni Gloria Romero.
Kwento niya, matagal na siyang sumusuporta simula pa noong 1960s na nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan nang sabihin niyang pinanood nito pati ang pinakahuling pelikula ng aktres.
Kaya naman lubos niyang ikinalungkot ang pagkamatay ng kanyang hinahangang artista.
“Ay syempre malungkot dahil isa siya sa icon ng pelikulang Pilipino kaya malungkot syempre nung nalaman namin,’ ani Lilia Garcia, masugid na tagahanga ng namayapang si Gloria Romero.
Ang isa namang nakiramay na si Frank Miclat ay ibinahagi na matagal na niyang naging kaibigan ang yumaong aktres.
Aniya, ikinalungkot din niya ng mabalitaang sumakabilang buhay na ang minasa’y nakasama niya at naging malapit sa kanyang buhay.
Samantala, sa pagkamatay ng beteranong aktres, nagpaabot ng pakikiramay ang ilang mga personalidad gaya nina Pangulong Bongbong Marcos Jr., Vilma Santos, Maricel Soriano, Gretchen Baretto, Boy Abunda at marami pang iba na inaasahang madagdagan pa ngayong gabi.
May gaganapin kasing isang pagdiriwang ng banal na misa sa memorial chapel kung saan pinaglalamayan ang labi ni Gloria Romero.