Naniniwala ang tagapagsalita ng Department of Justice na pagmamay-ari ng nasa tatlo hanggang limang tao ang mga kalansay na natagpuan sa loob ng compound ng kagawaran sa Manila.
Ayon kay Justice spokesperson Mico Clavano nakipagpulong sila kay forensic pathologist Dr. Raquel Fortun ngayong araw upang mapag-usapan ang nasabing insidente.
Pinayuhan din umano sila ni Fortun na sa susunod na makakita sila ng mga kalansay ay dapat na huwag itong hawakan.
Ngunit, nilinaw ni Clavano na wala silang alam kaugnay sa nasabing protocol kung kaya’t dali-dali nilang tinurn-over sa National Bureau of Investigation ang mga kalansay.
Makikipagpulong din sila sa iba pang mga archaeologists at anthropologists kapag tinanong tungkol sa inihayag ni Fortun na nababahala ito sa pagpapangkat ng mga buto.
Nauna nang sinabi ni Clavano na natagpuan ang mga kalansay habang hinuhukay ng mga manggagawa ang pundasyon para sa malapit nang itayo na apat na palapag na library.