CAUAYAN CITY- Nakatakdang sampahan ng kaso ang pamilya ng pasyenteng namatay dahil sa COVID-19 na pina-embalsamo at nilamayan sa San Pablo, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Elizabeth Binag, Provincial Information Officer ng Isabela na batay sa ulat ni Mayor Jojo Miro ng San Pablo, Isabela sa isinagawang pagpupulong ng mga kasapi Provincial Interagency Task Force na pinangunahan ng Gobernador na mayroong naganap na paglabag sa health protocols kaugnay sa paglibing sa namatay na si patient CV117189 na residente ng Binguang, San Pablo, Isabela na positibo sa COVID-19 at namatay sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sinundo anya sa CVMC ang namatay sa COVID-19 patient subalit sinabi ng pamilya ng namatay na hindi COVID-19 ang ikinamatay ng kaanak na pinaniwalaan ng pulis.
Dinala pa ng pamilya ng namatay na kaanak sa Punerarya sa Tuguegarao City at pina-embalsamo ang bangkay bago iniuwi sa kanilang tahanan sa San Pablo at pinaglamayan ng isang gabi.
Habang pinaglalaman ay natuklasan ng mga RHU Doctors at San Pablo Police Station na COVID ang ikinamatay ng naturang pasyente kaya hindi nila tinantanan ang pamilya ni CV117189 at sinabihang ipalibing na.
Ngunit nagmatigas ang pamilya ng namatay at hindi sinunod ang mga otoridad at sinabing nakahanda nilang harapin ang anumang ikakaso laban sa kanila
inihayag naman ni PCol. James Cipriano, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na inihahanda na nila ang kaso laban sa ilang mga miyembro ng pamilya ng namatay na COVID-19 patients dahil sa paglabag sa mga health protocol.
Samantala sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Sherick Saquing, Legal Officer ng DILG region 2 na patuloy silang nangangalap ng impormasyon mula sa DILG Isabela, DOH region 2 at CVMC kaugnay sa COVID-19 positive patient na nasawi na na-embalsamo at nilamayan pa sa kanyang tahanan.
Inihayag ni Atty. Saquing na dapat ang ginawa sa nasabing pasyente ay inilibing kaagad at hindi dapat na-embalsamo at hindi rin dapat pinaglalamayan.
Umaasa siya na hindi na maulit ang naturang pangyayari at masunod ang mga ipinapatupad na health protocols.