-- Advertisements --

Nanawagan si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga tumatakbong kandidato para sa darating na halalan na maging mabuting ehemplo ang mga ito para sa ating mga kababayan.

Pinatutungkulan pa rin niya ang patuloy na pagsunod sa mga ipinatutupad na minimum public health standard at pagpapabakuna laban sa COVID-19 ngayong kumakaharap pa rin sa pandemya ang bansa.

Sa isang pahayag ay muling pinaalalahanan ni Vergeire ang publiko at mga kandidato na laging tandaan ang naturang mga mga hakbang na inilarawan niya bilang dalawang kritical na bagay na makakatulong sa bawat isa upang malagpasan ang pandemyang ito.

Muli ring binigyang-diin ng undersecretary na nananatili pa rin ang banta ng nasabing virus sa bansa at sa katunayan aniya ay pumuputok pa ang mga kaso nito sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Ito ang dahilan kung bakit dapat na mapanatili ng bawat isa ang pagsunod sa mga ipinatutupad na protocols at huwag kakalimutan ang palagiang pagsusuot ng facemask lalo na pagpupunta sa mga campaign sorties.