-- Advertisements --

Hinimok ng social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines’ ang lahat ng kandidato sa nalalapit na eleksiyon na itigil muna ang political activities ngayong Holy Week at yakapin ang banal na panahong ito para sa pagnilay-nilay at pag-unawa.

Sa isang statement, pinaalalahanan ni Caritas Philippines president Bishop Jose Colin Bagaforo ang mga kandidato na ang Holy Week ay hindi lamang panahon ng spiritual renewal kundi isa din itong mahalagang pagkakataon para pagnilayan ang landas ng serbisyo publiko.

Hinimok din ng Obispo ang aspiring leaders na sinserong pagnilayan ang kanilang magandang magagawa para sa bansa at upang muling italaga ang kanilang sarili sa walang pag-iimbot na paglilingkod para sa mamamayang Pilipino lalo na sa mga mahihirap, mga marginalized, at mga walang boses.

Mariin ding umaapela ang Caritas Philippines sa lahat ng kandidato na panindigan ang integridad ng proseso ng halalan at nawa’y maging isang pagdiriwang ng tunay na demokrasya at katarungan ang nalalapit na eleksiyon.

Matatandaan nauna ng nilinaw ni Commission on Elections Chairperson George Garcia na ipinagbabawal ang pangangampaniya sa araw ng Huwebes Santo, April 17 at Biyernes Santo, April 18.

Magtatagal naman ang panahon ng kampaniya para sa 2025 midterm elections hanggang sa Mayo 10.