-- Advertisements --

VIGAN CITY – Patuloy ang paalala ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidato na kinakailangan nilang ipasa sa kanila ang mga social media accounts at website links ng mga ito para sa May 13 midterm elections.

Kaugnay nito ay pinadalhan na umano ng COMELEC ng notice ang mga kandidatong hindi pa nakaka-comply sa kanilang bilin upang ipaalala sa mga ito ang kanilang mga responsibilidad.

Sinabi ni COMELEC spokesman James Jimenez sa Bombo Radyo Vigan na sa kabuuang bilang na 62 sa mga senatorial candidates, tanging 13 lamang sa mga ito ang nakakapgparehistro ng kanilang social media accounts at website links sa Education and Information Department ng ahensya, habang 23 sa kabuuang 134 party-list na lalahok sa halalan sa Mayo.

Ilan sa mga sa mga kandidato sa pagka-senador na nakaparehistro na ay sina Sergio Osmeña III, Nancy Binay, Danilo V. Roleda, Pia Cayetano, Cynthia A. Villar, Ramon Bong Revilla Jr., Jose Manuel Diokno, Paolo Benigno A. Aquino IV, Florin Hilbay, Manuel A. Roxas II, Aquilino Martino “Koko” L. Pimentel, Rodrigo “Jiggy” D. Manicad Jr., at Dr. Willie Ong.

Samantala ang mga partylist groups na compliant ay ang 1-CARE, AAMBIS-OWA, ABAKADA, Abono, Act Teachers, Agbiag, Agri Agra na Repormang Para sa Magsasaka ng Pilipinas Movement, AKBAYAN CITIZENS’ ACTION PARTY, AKO BISDAK, Anakpawis, BAYAN MUNA, FICTAP, Kabayan, Luntiang Pilipinas, Magsasaka at Movement for Economic Transformation and Righteous Opportunities (METRO).

Ayon kay Jimenez, mas marami pa ang mga local candidates na nag-comply sa kanilang direktiba dahil kung tutuusin, aabot na sa mahigit na 600 ang mga nakakapagpasa ng kanilang mga official social media accounts at website links ngunit karamihan sa mga ito ay nasa local level.

Inaasahan naman ng tagapagsalita ng COMELEC na dahil sa notice na kanilang ipinadala ay marami ng mga kandidato ang tatalima sa kanilang direktiba.