-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development na bawal ang mga kandidato sa payout site ng Ayuda sa Kapos ang Kita program(AKAP) sa panahon ng pangangampanya.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ito ay isa sa mga mahihigpit na guidelines na kasalukuyan nitong binubuo kasama sina Labor Secretary Bienvenido Laguesma at Socioconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan.

Ang mga naturang guidelines ang susundin para sa istriktong implementasyon ng kontrobersyal na programa.

Ayon sa kalihim, ang pagbabawal sa mga kandidato at mga pulitiko ay isa sa mga pangunahing ‘safety net’ para hindi mabahiran ng pulitika ang naturang programa, lalo na kung nagsimula na ang pangangampanya.

Ang binubuong guidelines aniya, ay ibabatay rin sa kasalukuyang jurisprudence na magtitiyak na ang mga kandidato ay hindi gagamit ng mga public fund para lamang maisulong ang kanilang kandidatura.

Kasabay nito ay nakatakda muling makipagpulong si Gatchalian kina Sec. Laguesma at Sec. Balisacan para mabuo at tuluyang maisapinal ang joint guidelines para sa implementasyon ng AKAP.

Ayon sa kalihim, bagaman tatanggapin pa rin nila ang referral ng mga kongresista, senador, alkalde, at iba pang opisyal, pero hindi pa rin aniya tiyak kung aaprubahan o mapapabilang ang mga irerefer na pangalan sa kabuuang listahan ng mga benepisyaryo.

Sa huli aniya, sasalain pa rin ang mga pangalan, salig sa mahigpit na guidelines na susundin sa implementasyon ng kontrobersyal na programa.