LA UNION – Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) na padalhan ng notice ang lahat ng mga kandidato, nanalo man o natalo sa nakaraang halalan, para sa pagsusumite ng SOCE o Statement of Contributions & Expenditures.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo La Union kay Comelec Officer Gregorio Cabanban, ipinaalala nito ang tamang proseso ng pagsusumite ng SOCE, na naging epektibo noong Martes, Mayo 14, pagkatapos ng botohan at magtatapos sa June 12, 2019.
Siniguro naman ni Cabanban na bagamat pista opisyal ang June 12 o Araw ng Kalayaan, magiging bukas ang kanilang opisina, para bigyan daan ang submission of SOCE ng mga tumakbong kandidato sa lalawigan.
Aniya, ang form ng SOCE ay downloadable sa Comelec website, gumawa ng apat na kopya, ipa-notaryo, at dalhin ang lahat ng mga resibo, kontrata, at iba pang dokumento na nagpapakita ng mga ginastos sa araw ng kampanya, bago tumungo sa opisina ng Comelec kung saan nakarehistro.
Una nang sinabi ng komisyon ang kahalagahan ng pagsusumite ng SOCE para sa mga nanalong kandidato para makaupo ang mga ito sa puwesto at para sa mga natalo, para hindi sila magkaroon ng problema sa kanilang record sa hinaharap.