-- Advertisements --

ILOILO CITY – Patuloy ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng militar matapos makatanggap ng impormasyon na may mga kandidato umano na tumatakbo sa May 13, 2019 elections sa Western Visayas na nagbibigay ng suporta sa New People’s Army (NPA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lt. Col. Joel Benedict Batara, commanding officer ng 61st Infantry Batallion ng Philippine Army, sinabi nito na ang nasabing mga politiko ay kinabibilangan ng tatlong mga kumakandidating alkalde at sangguniang bayan members.

Ayon kay Batara, kanilang ilalabas ang pangalan ng nasabing mga kandidato sa mga susunod na araw.

Tiniyak naman ng militar na mapupuksa ang ugnayan ng mga politiko at mga rebelde.

Matandaan na noong nakaraang araw, nakuha rin ng militar sa kuta ng mga rebelde sa Lambunao Iloilo ang campaign materials ng AAMBIS-OWA Partylist na pinamumunuan ni Rep. Sharon Garin.