LEGAZPI CITY — Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol na hindi maaaring gamitin ang mga programa ng ahensya ng mga kandidato ngayong halalan upang makakuha ng boto.
Partikular na tinukoy ng ahensya ang enlistment ng mga benepisaryo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung saan karaniwan umanong napupulitika ang programa.
Ayon kay 4Ps Regional Grievance Officer Lawrence Osumo, walang karapatan ang sinumang kandidato na magtanggal o mag-enlist ng tao sa programa dahil tanging ang DSWD lamang ang otorisadong gawin ito.
Sinabi ni Osumo na matatanggal lamang ang isang benepisaryo kung hindi ito sumunod sa rules at hindi compliant sa programa.
Samantala, inaasahan na sa darating na Hunyo maisasagawa ang sunod na payout ng 4Ps beneficiaries dahil nasa proseso pa ngayon ng procurement ng conduits ang Landbank para sa over-the-counter payouts.
Na-delay kasi umano ito dahil sa pag-hold ng Commission on Election (Comelec) ng cash grants ng government programs kaugnay ng eleksyon ngunit na-lift na ngayong buwan.