-- Advertisements --

Papatawan umano ng karampatang kaparusahan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato para sa 2022 national at local elections na lalabag sa health and safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.

Sinabi ni acting Presidential spokesperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles na lahat ng election-related activities sa panahon ng kampanya ay nasa hurisdiksyon na ng Comelec.

Aniya, dahil dito ay ang komisyon na aniya ang bahalang magpataw ng kaukulang parusa sa mga lalabag sa mga panuntunan, guidelines, at protocols sa pangangampanya, kabilang na ang paglabag sa minimum public health standards.

Paliwanag ni Nograles, magiging responsable lang kasi aniya ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa lahat ng mga aktibidad na walang kaugnayan sa halalan.

Samantala, una nang pinaalalahanan ng Comelec ang mga kandidato kaugnay sa implementasyon ng mga restrictions para sa mga personal na pangangampanya kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagsisiksikan o pagtitipon ng malaking grupo ng mga tao gayundin ang pagpasok sa mga bahay, paghalik, pakikipag-kamay, pagyakap sa publiko, at maging ang pakikipag-selfie sa mga tagasuporta.

Ang 90-araw na panahon ng kampanya sa halalan para sa mga pambansang kandidato sa halalan sa Mayo 9 ay nagsimula noong Martes.