-- Advertisements --

Maaari raw palitan ang mga kandidatong may kinahaharap na kaso at madidikskuwalipika bago ang araw ng halalan.

Ginawa ni Commission on Elections (Comelec) Senior Commissioner Rowena Guanzon ang pahayag kasunod na rin ng pagbasura ng Second Division ng komisyon sa mga petisyon para ikansela ang certificate of candidacy (CoC) ni presidential aspirant Bongbong Marcos dahil sa kakulangan ng merito.

Ayon kay Guanzon, magkaiba ang cancellation case sa disqualification case dahil ang disqualified na kandidato ay maaring mapalitan ng kahit sino mang mayroong parehong apelyido at nasa ilalim ng parehong partido.

Ang resulta naman daw kapag nagkansela ng CoC ay simula pa lamang dapat hindi na raw balido o void na ang kanyang CoC.

Ibig sabihin ay mistulang wala itong naihain na CoC.

Ang substitution naman dahil sa na-disqualify na kandidayo ay puwedeng gawin bago ang hapon ng mismong election day.

Base sa resolusyon ng Second Division, nagkamali raw ang mga petitioners at dapat ay isa lamang ang ibinigay na rason sa ground ng kanselasyon ng CoC ni Marcos na ito ay gumawa ng false representation kaya dapat ay makansela ang kanyang CoC.

Si Guanzon ay miyembro ng Comelec First Division na humahawak sa disqualification case laban kay Marcos.

Ang dalawa nitong miyembro ay sina Commissioners Marlon Casquejo at Aimee Ferolino-Ampoloquio.

Sa mga nabasura namang petisyon, sinabi ni Guanzon na puwede raw silang maghain ng apela sa Comelec En Banc o sa Supreme Court (SC).

Una rito, sinabi ng abogado ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na igagalang nila ang ano mang legal remedies na gagawin ng mga petitioners.