-- Advertisements --

Tiniyak ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System (JCOC-AES) na sesentro sila sa mga nais na reporma sa proseso ng halalan dahil sa mga naitalang problema.

Gagawin ang pagdinig bukas sa sa Pecson room ng Senado sa ganap na alas-9:00 ng umaga.

Ayon kina JCOC-AES chairmen Sen. Aquilino Pimentel III at CIBAC party-list Rep. Sherwin Tugna, kasama sa uungkatin nila ang pagsablay ng napakaraming Vote Counting Machines (VCM) na gawa ng Smartmatic at atrasadong release ng data mula sa transparency server.

Maging ang defective na SD o memory cards ng S1-Silicon Valley company ay uusisain ng mga mambabatas.

Susuriin din ng mga mambabatas ang final report ng local source code reviewers.

Ang source code ay readable instructions na ginagamit sa mga makina para mapagana ito sa specific functions sa panahon ng halalan.

Pero para kay Liberal Party (LP) president Sen. Kiko Pangilinan, may pananagutan ang Comelec sa lahat ng ito, habang nais din nilang singilin ang administration candidates sa mga paglabag sa election laws.

Partikular na tinukoy ni Pangilinan ang mga naglalakihang billboards na nasa labas ng common poster areas.

Pati na rin ang mga naging pagbabanta raw ng Pangulong Rodrigo Duterte na tatanggalin ang mga proyekto sa ilang lugar kung hindi susuportahan ang mga kaalyado nitong kandidato.