DAVAO CITY – Nanawagan ngayon ang isang congressional candidate sa lungsod na dapat lamang na magsagawa ng imbestigasyon patungkol sa kinasasangkutan nitong sex trafficking na isinampa sa United States (US) Department of Justice laban sa religious leader Apollo C. Quiboloy at sa iba pang mga lideres ng Kingdom of Jesus Christ (KJC).
Ayon pa kay Maria Victoria Maglana, na kumandidato bilang 1st district congressman, mayroon umanong extradition treaty ang bansa at ang US para sa mga criminal acts.
Mas mabuti umano na madala si Quiboloy sa Amerika at humarap sa pagdinig sa mga kaso na isinampa laban sa kanya.
Sinabi rin ni Maglana na ang indictment case laban kay Quiboloy ay makokonsidera na mabuting oportunidad sa mga kababaihan para makamit ang hustisya na base sa batas.
Una ng sinampahan ng kaso ang Kingdom of Jesus Christ (KJC) founder matapos umano itong masangkot sa sex trafficking at pang-aabuso sa mga minor de edad.
Si Maglana ay isang development worker, peace advocate at convener ng political alliance Konsensya Dabaw at makakaharap ni incumbent First District Representative Paolo Duterte sa eleksiyon sa susunod na taon.
Samantalang sinabi naman ni Mike Abe isa sa mga kapanalig ni Pastor Quiboloy, na pawang paninira lamang ang binabato laban sa pastor ay hindi na umano bago ang nasabing kaso.
Dagdag pa nito na una na umanong isinampa ang sex trafficking sa Hawaii ngunit dahil nabasura ang kaso, inilipat ito ng reklamante sa Los Angeles California.
Kung maalala, una na rin na sinampahan ng kasong immigration fraud at labor trafficking si Pastor Quiboloy sa Amerika ngunit pareho itong ibinasura ng korte.
Kung maalala, kinilala rin ngayon bilang ‘Outstanding Humanitarian Pastor of the Year’ si pastor Quiboloy sa 20th Gawad Amerika Awards na isinagawa sa Hollywood, California.