-- Advertisements --

DAVAO CITY – Inihayag ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na nakipag-ugnayan na siya sa lider ng liga ng mga barangay captain sa lungsod para imonitor ang mga Barangay Kapitan na pumunta sa ilang lugar sa Maynila ito ay para matiyak na sumunod ang mga ito sa quarantine protocols.

Una ng pinayuhan ni Mayor Inday ang 44 na mga indibidwal kabilang na ang mga barangay officials na nakiisa sa nationwide campaign para ipanawagan ang kanyang pagtakbo sa 2022 presidential election na kailangan sumailalim ang mga ito sa quarantine.

Una ng nakipag-usap ang alkalde sa mga barangay officials sa nakaraang linggo at pinayuhan ang mga ito na hindi isagawa ang caravan lalo na at mataas ang kaso ng Covid-19 sa Maynila ngunit hindi umano nakinig ang mga ito.

Kung maalala, una ng nagpasalamat si Mayor Inday sa tiwala at suporta na binibigay sa kanya ngunit kanyang sinabi na hindi siya kakandidato sa mas mataas na posisyon sa eleksiyon sa susunod na taon at pinatatanggal rin ang mga tarpaulins, posters, at billboards ng mga “Run, Sara, Run,” na makikita sa ilang lugar sa lungsod.