NAGA CITY- Balak ngayong ipasailalim sa swab testing ang lahat ng barangay kapitan sa lungsod ng Naga matapos na magpositibo sa COVID-19 ang kapitan ng Brgy. Del Rosario Naga City.
Kung maaalala, una na itong kinilala na si Kapitan Jose “Bong” Peñas III, 57-anyos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Councilor Dodit Beltran ABC President ng naturang lungsod, sinabi nitong sa ngayon, tatlong barangay na lamang sa lungsod ng Naga ang wala pang naitatalang kaso ng sakit.
Ayon pa dito, napag-alaman naman na isang linggo nang hindi nakakapasok sa barangay hall ang kapitan at nananatili lamang sa loob ng ng kanilang bahay dahil sa nararamdamang sakit kun saan positibo na pala ito sa naturang virus.
Kaugnay nito, agad naman isinailalim sa lockdown ang mismong barangay hall kung saan plano ring ipasailalim sa swab test ang lahat nang empleyado ng barangay hall gayundin ang pamilya ng kapitan.
Sa ngayon, panawagan naman ng konsehal sa mga nagkaroon ng direct contact sa kapitan na boluntaryo na lamang na lumapit sa pamahalaan upang agad na mabigyan ng karampatang asistensiya.