Ibinabala ng state weather bureau ang matataas na alon sa mga karagatang sakop ng Northern Luzon dulot ng bagyong Marce.
Kasalukuyang nakataas sa signal No. 4 ang maraming lugar sa hilagang Luzon dahil sa naturang bagyo.
Ayon sa ahensiya, maaaring umabot sa 12.0 meters ang taas ng mga alon sa mga karagatang sakop ng Babuyan Islands, Ilocos Norte, at northern Cagayan.
Maaaring maranasan din ang 6.0 hanggang 8.0 meters sa mga baybaying sakop ng Ilocos Sur, Isabela, Batanes, at iba pang bahagi ng Cagayan.
Sa ibang mga lugar tulad ng Aurora at Zambales sa Central Luzon, maaaring umabot din mula sa 4.5 meters hanggang 5.0 meters ang taas ng alon.
Una nang itinaas ang gale warning sa mga karagatan ng Northern Luzon habang nagbabala rin ang weather bureau sa posibilidad ng storm surge sa loob ng 48 hours sa mga naturang probinsya.