Nagpaliwanag ang Department of Health (DoH) sa mga residenteng nasa Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan na hindi pa rin maaring luwagan ang quarantine level kahit bumababa na ang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakatutok lang kasi sa National Capital Region (NCR) ang pilot implementation ng pagbabago ng polisiya mula sa community quarantine status patungong alert level system.
Ibig sabihin, mananatili sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan hanggang Oktubre 31.
Kasunod nito, sinabi ni Vergeire na limitado pa rin ang operasyon ng ilang negosyo, habang sarado pa rin ang ibang establisimyento tulad ng mga gym, library, entertainment at recreational venues.
Nilinaw naman ng OCTA Research Group na nasa low risk na ang Cavite, habang moderate naman ang Laguna, Rizal at Bulacan.
Una rito, tinaasan na ng pamahalaan ang alokasyon ng bakuna sa Calabarzon at Central Luzon para maiwasan ang pagdami ng nagkakasakit.