-- Advertisements --

LA UNION – Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng mga kinauukulan sa lahat ng karne ng baboy na pumapasok at idinadaan sa lalawigan ng La Union.

Ito’y upang masiguro na ligtas ang mga naturang produkto laban sa tinatawag na ‘african swine fever’ na sakit ng baboy na nagmula sa ibang bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay San Fernando City Veterinarian Dr. Flocy Decena, sinabi nito na mahigpit sila ngayon sa mga karne ng baboy na ipinapasok sa slaughter house para masigurong ligtas ang mga ito laban sa ASF at mapanatiling swine fever free ang lalawigan.

Maliban dito, naka-alerto ngayon ang mga kawani ng Bureau of Animal Industry (BAI), Provincial Vet. Office at Dept. of Agriculture sa kanilang isinasagawang checkpoints sa anim na quarantine area o entry points sa La Union partikular sa bayan ng Rosario, Pugo, Burgos, Sudipen para siguraduhing hindi makakapasok ang mga infected na karne ng baboy.

Sinabi pa ni Decena na ang sintomas ng ASF ay katulad ng sa cholera na sakit din ng mga baboy, na pagkakaroon ng lagnat, diarrhea, at paglabas ng likido sa mata o ilong.

Dagdag pa nito na mahalagang maprotektahan ang swine industy ng bansa laban sa naturang sakit dahil magiging malaki ang epekto nito sa supply ng karne ng baboy kapag tumama ang sakit sa mga babuyan, lalo pa’t malapit lamang ang Pilipinas sa mga apektadong bansa gaya ng China at Hong Kong.