Nananatiling valid o may bisa ang mga kasal na pinangasiwaan ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo o tunay na pangalan ay Guo Hua Ping ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Ty.
Ito ay kung sakaling katigan ng korte ang quo warranto petition ng Solicitor General para ideklarang null and void ang proklamasyon ni Guo bilang isang nahalal na opisyal.
Paliwanag ni USec. Ty na ang mga kinasal ni Alice Guo noong panahong alkalde pa siya ay maaaring dumipende sa doctrine of operative fact kung saan base sa Korte Suprema sa ilalim nito kinikilala ang pag-iral at bisa ng isang legal na probisyon bago ito ideklara bilang labag sa konstitusyon.
Ayon naman kay Interior Secretary Benhur Abalos sa ilalim ng Family Code nakasaad na kapag ang ikinasal ay in good faith na naniniwalang may otoridad si Alice Guo na magkasal dahil alkalde ito noon, maaari aniyang gamitin ang artikulong ito.
Ang mga katanungan nga tungkol sa validity ng mga kasal na pinangasiwaan ni Guo ay lumitaw sa debate sa plenaryo ng House of Representatives sa panukalang 2025 budget ng Philippine Statistics Authority noong Lunes ng gabi.
Matatandaan na noong nakaraang Agosto, iniutos ng Office of the Ombudsman ang pagsibak kay Guo matapos mapatunayang guilty sa grave misconduct, kasunod ng mga imbestigasyon sa umano’y koneksyon nito sa isang ilegal na Philippine offshore gaming operator hub sa Bamban.