-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagsagawa kaninang umaga ng prayer vigil sa loob ng court room ng Regional Trial Court, 1st Judicial Region – Branch 25, Tagudin, Ilocos Sur ang mga kasamahan sa trabaho at kaibigan ng napatay na si Judge Mario Anacleto Bañez.

Maaalalang si Bañez ay tinambangan kagabi ng mga hindi pa kilalang suspek habang pauwi na ito sa kanilang tahanan sa San Fernando City, La Union.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nagtipon-tipon kaninang umaga ang mga opisyal at miyembro ng Public Attorney’s Office, Municipal Trial Court ng Tagudin, pati na ang mga nasa prosecutors’ office.

Naging emosyonal ang mga nakibahagi sa nasabing prayer vigil dahil inalala ng mga ito ang mga sandaling nakasama at nakatrabaho nila ang namatay na judge.

Samantala, bilang pakikipagdalamhati ng bayan ng Tagudin sa pagkamatay ng nasabing judge, nakahalf-mast din ang bandila ng Pilipinas na nasa harap ng munisipyo at wala munang kahit anong pagdinig ang isasagawa sa RTC Branch 25 sa nasabing bayan.