Ikinababahala ng Police Regional Office 11 ang mga nangyayaring kaso ng child abuse sa Davao Region.
Inilahad ni Women’s and Children Protection Desk chief Major Kristine Miraña na hindi bababa sa walong daan ang naitalang mga kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan sa rehiyon sa unang sampung buwan ng taong kasalukuyan.
Kapansin-pansin din ang pagtaas ng mga naaabusong kabataan kaysa sa mga matatandang babae.
Sinusuri pa ng kapulisan ang pagkukumpara ng kasalukuyang mga datos ng naturang kaso sa datos noong nakaraang taon.
Dagdag ng PRO XI, kadalasang nangyayari ang krimen sa sariling tahanan ng biktima o sa pamamahay ng mga suspetsado kaya naging malaking hamon kung paano maisumbong ang mga insidente sa otoridad.
Iminungkahi rin ng kapulisan ang pagpapalakas ng kampanya sa mga barangay upang ipabatid sa mga magulang na may mga naitatala ring insidente ng pang-aabuso sa mga kabataan sa loob mismo ng tahanan.