KALIBO, Aklan – Kontrolado na ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa mga lugar na natukoy na hotspots o nakapagtala ng pagtaas ng kaso sa isla ng Boracay.
Ayon kay punong barangay Jason Talapian ng Barangay Balabag, wala nang naitalang bagong kaso simula noong nakaraang linggo habang pababa na ang mga aktibong kaso.
Dahil dito, naniniwala si Kapitan Talapian na hindi na kailangang ma-extend ang ipinatupad na 14-araw na enhanced community quarantine sa Balabag at surgical lockdown sa dalawang purok sa Manoc-manoc na magtatapos na sa Abril 14.
Ang mga nagpositibo sa sakit ay hinihintay na lamang ang pagtapos ng kanilang quarantine sa kanilang isolation facility sa Argao at Caticlan sa mainland Malay, gayundin sa Marzon Hotel at Aklan training center sa Kalibo.
Nauna dito, sinisi ang pagtaas ng kaso sa isinagawang party sa isang bar sa isla kung saan isa sa mga dumalo ay natuklasang nagpositibo sa sakit sa kanyang pagbalik sa Maynila.
Iniimbestigahan na nang pulisya ang establisimento sa posibleng paglabag nito sa health guidelines at Covid-19 restrictions.
Ang bayan ng Malay at isla ng Boracay ay may kabuuang 175 na kaso ng COVID-19 simula ng tumama ang pandemya.
Sa kasalukuyan, nakapagtala ito ng 50 aktibong kaso at isa ang namatay.