Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) – Anti-Cybercrime Group (ACG) na bumaba sa halos 36 percent ang mga naitatalang kaso ng Cybercrime sa bansa kumpara sa parehong panahon noong nakalipas na taon.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine National Police (PNP) – Anti-Cybercrime Group, nakapagtala ito ng 8,177 cybercrime incidents noon unang semestre ng taong kasalukuyan.
Bumaba aniya ito ng 36.16 percent kumpara sa 12,808 cybercrime incidents na naiulat noong 1st semester of 2023.
Sinabi nito na ang pagbaba sa mga insidente ng cybercrime ay kinabibilangan ng tatlong pinakalaganap na krimen online.
Ayon sa PNP-ACG , bumaba nang husto ang online selling scam mula 3,468 hanggang 1,613 kaso, na sinundan ng investment/tasking scam na bumaba mula 1,001 hanggang 650 kaso, at ang debit/credit card fraud ay bumaba mula 736 hanggang 528.
Paliwanag pa ng grupo na ang pagbaba sa mga kaso ng cybercrime ay maaaring maiugnay sa mga aktibong aksyon ng ahensya laban sa mga ito.