-- Advertisements --

Bahagyang nakitaan ng pagtaas sa mga kaso ng iba’t ibang sakit sa Negros Oriental tulad ng dengue, typhoid fever, acute bloody diarrhea, acute gastroenteritis at hand foot and mouth disease mula Enero hanggang Pebrero ng taong kasalukuyang kung ikukumpara sa parehong period noong nakaraang taon.

Sa data na inilabas ng Negros Oriental Provincial Health Office, naitala ang 188 na kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Pebrero 18 kumpara sa 96 noong nakaraang taon.

Nangungunang mga bayan at lungsod na may mga naitala ng nasabing sakit ay ang Dumaguete,30; La Libertad,29; Bais, 28; Guihulngan,17;Sibulan, 16;Ayungon,10; Manjuyod,9; Tanjay, 8;Bayawan City, 5; at Pamplona, 5.

Sa kaso ng typhoid fever, tumaas ito ng 22 % matapos maitala ang 44 cases kumpara sa 36 na kaso sa kaparehong period .

Naitala ang mga kaso sa Dumaguete City, Guihulngan City, Mabinay,Siaton, at Tanjay City.

Nakitaan din ng pagtaas sa 88% ang kaso ng acute bloody diarrhea na may 141 cases. Nangunguna naman dito ang mga bayan at lungsod ng Vallehermoso, 26;Siaton,18; Dumaguete,13;Tayasan,10; at Basay na may 8.

Sa kaso naman ng acute gastroenteritis mula Enero 1 hanggang Pebrero 27, nakapagtala ang provincial health office ng 269 cases sa Vallehermoso at 7 na ang nasawi kung saan ang pinakahuli lang ay isang 82 anyos na babae.

Inirekomenda naman ng health office ang mga sumusunod: paigtingin ang mga case findings ng gastroenteritis upang maiwasan ang matinding dehydration at pagpaospital ng mga pasyente, ipagpatuloy ang pagdidisimpekta ng inuming tubig sa bahay
, pagbabawal sa pagbebenta ng ice water, juice, at ice

at dagdagan ang access sa sanitary toilet ng bahay at magkaroon ng buwanang pagsusuri sa lahat ng supply ng tubig.

Sa kabilang dako naman,as of February 28, umabot na sa 232 na kaso ang naitalang hand, foot and mouth disease sa lalawigan kung saan 90% na mga apektado ng sakit ay mga kalalakihan na may edad 1 hanggang 10 taong gulang.

Naitala ang kaso ng sakit sa mga bayan at lungsod ng Valencia, 41;Sibulan,35; Bais,26;Siaton,20;Bayawan,16;Guihulngan,16;Vallehermoso,14;Zamboanguita,14;Mabinay,11; at Dumaguete,10.

Inihayag ni Dr. Liland Estacion ng Negros Oriental Provincial Health Office na hindi pa umano nila ito maikukumpara sa nakaraang taon dahil wala silang data at ngayon lang din ito ipinapatupad.

Iginiit pa niya na hindi naman umano ‘alarming’ ang mga naitalang kaso ng sakit.

Sinabi pa ni Estacion na hindi na umano kailangang magdeklara pa ng state of calamity ang Vallehermoso may kaugnayan sa naitalang gastroenteritis dahil naagapan naman umano ito at ginagawa din na lokal ng pamahalaan ang kanilang mga tungkulin.

Dagdag pa nito na malaki ang naitutulong ng palagiang pagsusuot ng facemask at maayos na paghuhugas ng kamay para maiwasan ang mga sakit na ito at ang iba pang sakit.