Inatasan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang Women and Children Protection Center (WCPC) at Anti-CyberCrime Group (ACG) na tutukan ang mga kasong pang-aabuso laban sa domestic violence.
Ipinag-utos nito ang paglatag ng mga hakbang para maiwasan ang mga karahasan sa mga kababaihan at kabataan sa gitna na rin ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ilang bahagi ng bansa kasama na ang Metro Manila.
Pagtitiyak ni Gen Eleazar na kahit naka pokus ang PNP sa pagpapatupad ng quarantine guidelines, hindi pa rin nila pababayaan ang kanilang tungkulin na siguruhing ligtas at maayos ang mga komunidad.
Hinikayat ni PNP Chief ang publiko na magsumbong para matugunan ang nasabing kaso lalo at medyo kumplikado ang isyu ng domestic violence dahil nangyayari ito sa loob ng tahanan at off-limits dito ang PNP.
Maaaring magsumbong sa kanilang E SUMBONG at sa kanilang social media accounts.
Inilabas ng PNP Chief ang kautusan matapos na maghayag ng pagkabahala si Senador Sherwin Gatchalian na tumataas ang kaso ng pang aabuso laban sa mga babae at bata sa gitna ng ECQ tulad ng nangyari noong isang taon.
Sinabi ni Gatchalian na sa kasalukuyang panahon madalas naitatala ang mataas na mga kaso ng domestic violence dahil sa nararanasang kahirapan dulot sitwasyon.
Dapat ding proactive ayon kay PGen Eleazar ang mga pulis para masawata ang anumang uri ng pang aabuso at karahasan laban sa mga babae at bata kasama na iyong mga nangyayari sa social media at internet.