Bumaba ang mga kaso ng mala-trangkasong sakit o influenza-like illness (ILI) sa bansa sa simula ng 2025 ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay DOH spokesperson ASec. Albert Domingo, nakapagtala ang ahensiya ng 1,218 ILI cases mula Disyembre 22, 2024 hanggang Enero 4, 2025.
Ito ay mas mababa sa mahigit 5,000 kaso ng ILI na naitala noong Disyembre 8 hanggang 21, 2024 at halos 7,000 kaso noong Nobiyembre 24 hanggang Disyembre 7, 2024.
Bunsod nito, pinawi ng ahensiya ang pangamba ng publiko at sinabing hindi dapat mabahala dahil ito ang panahon na “maraming ubo at sipon ang umiikot”.
Ang ILI ay nakakahawang sakit na sanhi ng iba’t ibang virus o bacteria na nagdudulot ng infection sa ilong, lalamunan at baga kung saan karaniwang nararamdaman ang ubo, sipon at lagnat.
Sa kabila nito, hinimok ng ahensiya ang publiko na manatili na lang muna sa indoor o sa bahay kapag nakakaranas ng mga sintomas at ugaliin ang magandang hygiene.