-- Advertisements --

Nakapagtala ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng sakit na Pertussis o whooping cough ang Department of Health sa loob ng tatlong buwan ng taong 2024.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, pumalo na sa kabuuang 1,112 na mga kaso na ng naturang sakit ang naitala sa buong bansa mula noong Enero 1 hanggang Marso 30, 2024.

Mas mataas ito ng 34 na beses kumpara sa 32 na mga kaso ng sakit na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sabi ng DOH, mula sa naturang bilang ay pinakamarami sa mga naging biktima ng nasabing sakit ay pawang mga batang may edad na 5 taong gulang na tinatayang katumbas ng 77%.

Habang nasa 4% naman sa mga biktima ay may edad na 20 taong gulang pataas.

Sa nakalipas na anim na buwan, ang mga rehiyon ng Eastern Visayas, Cagayan Valley, Caraga, Central Luzon, at Cordillera Administrative Region ang nakitaan ng patuloy na pagtaas sa bilang ng mga kaso ng Pertussis.

Bukod dito ay iniulat din ng ahensya na nasa 54 na katao na rin ang nasawi ngayong taon nang dahil sa Pertussis.

Kung maaalala, una nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na posibleng magkaroon ng kakulangan sa supply ng bakuna kontra Pertussis sa pagsapit ng buwan ng Mayo dahil na rin sa mga outbreak ng sakit na ito sa ilang bahagi ng bansa.