LEGAZPI CITY — Kinontra ng kampo ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo ang mga paratang na delaying tactics ang mga ginagawa sa mga kasong kinakaharap nito sa halip, iginiit na sumusunod lamang sa due process.
Ang nasabing alkalde ay nahaharap dalawang counts ng murder at anim na counts ng frustrated murder kaugnay ng pagpatay kay AKB Party-list Cong. Rodel Batocabe, Pol. SMSgt. Orlando Diaz maging ang pagkakasugat ng ilang lumahok sa gift-giving event noong December 22, 2018.
Sa ipinatawag na presscon ng kampo ni Baldo, nilinaw ni Atty. Merito Lovensky Fernandez, isa sa mga legal counsel ng alkalde, na nakasaad sa rules ng Korte Suprema ang pagbibigay ng oras sa respondent na makasagot sa mga alegasyon sa ginagawang preliminary investigation.
Naniniwala naman ang abogado na bahagi ng pulitika ang nangyayari lalo na’t naririnig umano ng kampo na mayroong nagnanais na makulong si Baldo bago pa mangyari ang halalan.
Patutsada pa ni Atty. Fernandez na tila “ni-railroad” ang kaso kaya’t naghain ng mga Motion for Inhibition lalo na sa piskalya sa Camarines Sur at urgent motion sa special raffle ng kaso.
Samantala, maliban umano sa pag-railroad, mismong ang mga iprinesentang ebidensya ay nakitaan ng discrepancy lalo na ang sinasabing mga baril at testimonya ng mga suspek na walang corroboration.