Inilipat na sa korte sa Pasig City mula sa Capas, Tarlac RTC ang non-bailable na mga kasong human trafficking na isinampa laban sa mga empleyado ng Philippine offshore gaming operator (POGO) hubs sa Tarlac ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Pinuri naman ng kalihim ang Korte Suprema sa hindi natitinag na commitment nito sa pagpapairal ng batas para maiwasan ang miscarriage of justice.
Ayon pa kay Sec. Remulla titiyakin ng DOJ na uusigin ang mga kasong ito nang may determinasyon at integridad.
Una rito, ang mga naturang mga POGO worker ay mula sa Zun Yuan Technology Inc., isa sa mga ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac, kung saan ilang dayuhan ang naaresto.
Kabilang sa mga sangkot sa kaso ay si Huang Zhiyang, isang Chinese national na kinilala ng mga awtoridad bilang “boss of all bosses” ng mga ilegal na POGO.
Ang kaso laban sa mga manggagawa ng POGO ay isinampa ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission noong Hunyo, kasabay ng hiwalay na kaso ng qualified trafficking in persons laban sa nadismis na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo .