CEBU CITY – Hindi umano kuntento ang PhilHealth whistleblower sa mga nasampahan ng kaso kabilang na ang mga PhilHealth executives na tinuturong sangkot sa korapsiyon ng ahensiya.
Inihayag ni Atty. Thorsson Montes Keith, dating PhilHealth Anti-Fraud Legal Officer na siyam na buwan nitong pinag-aralan ang naturang kaso kung saan nahihirapan din umano ang Task Force na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isa sa mag-imbestiga sa naturang kontrobersiya.
Aniya, hindi pa sapat ang mga sinampahan ng kaso kabilang na si PhilHealth CEO Ricardo Morales sapagkat marami pa ang sangkot sa korapsiyon sa state insurer.
Binigyang-diin pa nito na masasayang lang ang kanyang pagsisikap at ang ang kanyang buhay na nasa peligro kung hindi masasampahan ng kaso ang lahat ng responsable at sangkot sa anomaliya.
Umaasa ang whistleblower na lalabas ang katotohanan dahil tanging katotohanan lang din umano ang kanyang isinawalat at lahat ng mga ito ay dokumentado.