Binasura ng prosekusyon ang mga reklamong kinakaharap ng dating pulis at driver nito kaugnay sa pagkawala ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Ito ang iniulat ng Calabarzon Police matapos na ibasura ni Assistant Regional Prosecutor, Rogelio D. Radoc, Jr. ang mga kasong kidnapping at illegal detention na kinakaharap ng dating pulis na si Allan de Castro, driver nito na si Jeffrey Magpantay o alyas Jepoy, at dalawa pang John Does nang dahil sa kakulangan umano ng ebidensya.
Sa isang statement sinabi ni Calabarzon Police regional director PBGen. Paul Kenneth Lucas na nirerespeto nila ang naging desisyon ng korte hinggil sa nasabing kaso.
Ngunit kasabay nito ay tiniyak niya na gagawin ng kapulisan ang lahat upang maihatid ang hustisya para kay Catherine Camilo at sa kaniyang pamilya.
Kung maaalala, si Allan De Castro ay sinibak sa serbisyo nitong Enero 2024 matapos umaming kasintahan ang nawawalang biktimang si Camilon kahit na siya ay pamilyado na.
Siya rin ang itinuturing na main suspek sa pagkawala ng biktima ngunit hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin itong tahimik hinggil sa nasabing kaso.
Matatandaan na noon pang Oktubre nakaraang taong napaulat na nawawala si Camilon na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikita.