GENERAL SANTOS CITY – Ibinasura ng korte ang mga kasong online libel na inihain ng mga supporters ni Joel Apolinario, founder ng KAPA Community Ministry International laban sa station manager ng Bombo Radyo GenSan na si Bombo Jonathan “Janjan” Macailing.
Sa 10 pahinang order, inilahad ni Deputy City Prosecutor Paolo Aquino na ang mga alegasyon nina Jezrael Florinosos, Jenny Tiangga, Richard Varron, Jojo Tinguban at Roger Camingawan ang ibinasura dahil hindi direktang ipinatutungkol sa kanila ang isyu kung hindi ito ay sa kabuuan laban sa KAPA.
Umabot sa limang kaso ng online libel ang dinismiss ng prosecutor matapos desisyunan ang mga ito.
Ang nasabing mga kaso ay may kinalaman sa mga komentaryo ni Bombo Janjan laban sa umano’y panloloko ng KAPA sa mga miyembro nito kung saan may inilabas ng permanent cease and desist (CDO) order at sinundan naman kaagad ng pagka-revoke ng kanilang Security and Exchange Commission (SEC) registration.
Kaugnay nito, labis na ikinatuwa ni Bombo Janjan ang pagbasura ng kanyang mga kaso na malinaw umanong isang harrassment mula sa mga Kapa members.