Target umano ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na tapusin na rin ang mga kasunduan sa ibang mga pamantasan at paaralan.
Kasunod ito ng pasya ng Defense department na tuldukan na ang kasunduan sa University of the Philippines kaugnay sa ban sa pagpasok ng mga militar at pulisya sa loob ng campus.
“We are looking into other similar agreements to terminate them as well,” wika ni Lorenzana.
Nanindigan din ang kalihim na may kapangyarihan ang DND na tapusin ang deal sa pagitan nila ng UP kahit walang konsultasyon sa mga university officials.
“Of course, ayaw na namin. We have determined that it doesn’t serve the interest of the students,” anang kalihim.
Sa panig naman ni UP president Danilo Concepcion, nadidismaya ito na walang nangyaring konsultasyon sa kanilang panig upang matalakay sana ang mga isyung binanggit ni Lorenzana sa ipinadala nitong liham.
Giit din ni Concepcion na “totally unnecessary and unwarranted” ang naturang hakbang, na maaari umanong mag-iwan ng negatibong epekto sa relasyon ng DND at ng UP.
Posible rin aniya itong magdulot ng kalituhan at kawalan ng pagtitiwala ng publiko.