-- Advertisements --

Sinariwang muli ng mga deboto at mananampalataya ang huling mga winika o linya ng salita ng Panginoong Hesukristo bago ito mamatay sa krus.

Kung saan isinagawa ito mismo sa Minor Basilika at Pambansang Dambana ng Poong Hesus Nazareno o mas kilala bilang Quiapo Church.

Sa naganap na programa, napakinggan mismo ang 7 Huling Salita ng Panginoong Hesukristo habang siya’y nakabayubay sa krus bago bawian ito ng hininga.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa isang mananampalataya na si Gloria Ruba, aniya’y mag-isa lamang siya na nagtungo dito upang dumalo ng Siete Palabras.

Kung saan ibinahagi niya na naglakad siya ng bahagya mula sa kanyang binabaang jeep sapagkat sarado umano ang kalsada sa pagdaan kanina ng andas o prusisyon ng Poong Hesus Nazareno.

Bilang solo parent, dalangin niya ngayong semana santa partikular ngayong Biyernes Santo ang kalakasan ng katawan at mas mahaba pang buhay.

Sa isinagawang Siete Palabras, layon nitong makapagbigay daan sa mga mananampalatayang Katoliko na mapagnilayan ang huling mga isinambit ng Panginoong Hesukristo bago mamatay sa krus.

Tinalakay rito ang mga linyang tiyak na kinapulutan ng aral, inspirasyon at mensahe ng kapatawaran sa unang wika, sa pangalawa naman ay kaligtasan, sumunod ang pagmamahal, ika-apat na wika naman ay sa katagang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” … panglima ay ang tagpong inahayag ng Panginoong Hesus ang kanyang pagkauhaw, pang-anim ay patungkol naman sa kabayaran o pagkatubos ng mga kasalanan habang panghuling salita naman ay ang mga katagang “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking kaluluwa.”

Pagkatapos nito ay susundan pa ng iba’t ibang mga programa at aktibidad ng simbahan ng Quiapo ngayong Biyernes Santo, Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay.