-- Advertisements --

Buong-suporta ang mga kongresista mula sa Northern Luzon sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang Northern Luzon ang nagsisilbing pangunahing balwarte ng pamilya Marcos at tinatawag ding ‘solid-north’ dahil sa pagsuporta ng malaking porsyento ng mga botante sa kandidatura ng mga Marcos mula pa noong panahon ni dating Pang. Ferdinand Edralin Marcos Sr.

Sa pangunguna ni Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Marcos, sunod-sunod na pumirma ang iba pang kinatawan mula Northern Luzon na kinabibilangan nina La Union 1st Distrtict Rep Francisco Paolo Ortega, Isabela 5th Distrtict Rep Faustino Michael Dy, Ilocos Sur 2nd District Rep. Kristine Singson, Baguio City Cong. Mark Go, atbpang kinatawan.

Sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley Region, at Central Luzon Region, pawang nagpakita ng suporta ang maraming kongresista at pumabor para sa tuluyang impeachment ng pangalawang pangulo.

Maging ang kinatawan ng probinsya ng Batanes na si Cong. Ciriaco Gato Jr. ay sumuporta rin sa impeachment. Ang Batanes kasi ay solidong bumuto kay dating Vice President Leni Robredo noong nakalipas na 2022 Presidential Elections ngunit si VP Sara ang pinili ng probinsya bilang pangalawang pangulo.

Kung susumahin, umabot sa 101 mambabatas mula sa Luzon ang sumuporta sa impeachment vs VP Sara. Ibig sabihin, halos makumpleto na ng mga mambabatas mula sa Luzon ang 1/3 na kinakailangan para agarang mai-transmit ang impeachment sa Senado.