DAGUPAN CITY — “Lahat ay kinakailangan magparehistro.”
Ito ang binigyang-diin ni Atty. Anna Minelle Maningding, NTC Legal Officer, sa nagin panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa usapin sa nagpapatuloy na SIM Card Registration.
Aniya na kinakailangan ng bawat prepaid at postpaid card subscribers na maipa-rehistro ang kanilang numero sa loob ng 180 days at kung mabibigo naman ang mga Pilipino na gawin ito ay made-deactivate ang kailang mga numero.
Tiniyak naman ni Maningding na normal lang naman ang mga nararanasang mga problema sa pagpaparehistro ng mga SIM card at hindi naman ito makakaapekto sa aplikasyon ng mga subscribers. Ang mahalaga aniya ang kung mahihintay ng mga SIM card subscribers and mensahe mula sa kinauukulang telecommunications company na nagsasaad na matagumpay ang kanilang SIM card registration.
Kaugnay nito ay tiniyak din ni Maningding na walang limit ang pagpaparehistro ng mga SIM Card ng isang indibidwal, kahit na magkapareho o magkaiba man ang kanilang telco. Subalit idiniin nito na importante na tiyakin ng bawat isa na ang mga inilalagay nilang impormasyon sa kanilang application form ay tama.
Maliban dito ay nilinaw din ni Maningding na wala pang deactivation na magaganap kung matatapos ang 180-day registration period. Kaya kung magka-aberya man sa SIM card registration aniya ay wala dapat ikabahala ang mamamayan sapagkat magagamit pa rin ng mg subscribers ang kni-kanilang mga SIM upang makapag-send at makatanggap ng mga tawag o messages.
Gayunpaman, inuudyok ng mga kinauukulan ang mga SIM card users na magparehistro sa lalong madaling panahon upang makatanggap at maranasan na rin nila ang mga benepisyo ng SIM Card Registration Act.
Siniguro rin ni Maningding na wala rin dapat ikabahala ang mga Pilipino sa pagrerehistro ng kanilang SIM Card sa gitna ng ilang mga naipapaulat na text messages at online scams. Aniya na kung mayroon mang lalabag sa mga batas na humahalili patungkol sa usaping ito ay mayroon at mayroong karampatang parusa ang ipapataw sa mga ito.