Ipinag-utos ni Finance Secretary Carlos Domingues III sa Bureau of Customs na ibigay na lamang ang kanilang mga nasamsam na pagkain para makatulong sa patuloy na pagdami ng mga evacuees matapos ang pagputok ng Bulkang Taal.
Lahat ng confiscated at unclaimed shipments ng mga pagkain na hanggang ngayon ay nananatili sa mga pantalan ay ipamamahagi para magsilbing tulong sa mga apektado.
Kaagad namang tumalima sa utos ni Dominguez si Customs Deputy Commissioner Edward James Dy Buco. Aniya, una nang nai-turn over ng kanilang ahensya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasa 180 kahon ng Vienna sausage.
Ang naturang donasyon ay makakatulong na pakainin ang halos 53,000 pamilya o 267,000 evacuees.
Ayon pa kay Dy Buco, aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagpapadala ng mga nasabing sausage.
Magpapadala rin umano ang BOC ng mga samples sa FDA para tiyakin na ligtas pang kainin ang mga delata na nakatago sa isang container para rin ipamigay sa mga evacuees.
Nakipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Department of Agriculture upang malamang kung pwede pang kainin ng mga evacuees ang ilang isda na nasamsam naman sa Manila International Container Port (MICP).
Una rito ay ibinigay na ng BOC sa DSWD ang ilan pang kinumpiskang items tulad ng emergency survival blankets, bed sheets, tuwalya, damit at face masks.