-- Advertisements --

Naniniwala ang isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na maaari pa rin umanong suspendihin ang mga klase kahit na nasa distance learning na ang mga guro at mag-aaral sa harap ng coronavirus pandemic.

Ayon kay DepEd Usec. Diosdado San Antonio, puwede pa ring ihinto ang klase kung nakararanas ng blackout ang mga estudyanteng pinili ang online classes bilang learning modality.

“Ako personally, ang tingin ko dapat walang pasok sa araw ng bagyo o ‘yung nagre-restore pa [ng kuryente], pero hindi kasing haba ng dati,” wika ni San Antonio.

“[Only] for those doing online, but for those doing the printed self-learning modules, talagang ‘yung araw lang ng bagyo siguro saka ‘yung araw na nag-aayos pa ‘yung mga bahay pero ‘pag ready na, hindi na extended ‘yung disruption sa pagpasok ng mga bata,” dagdag nito.

Ngunit binigyang-diin ng kagawaran na kahit nasa bahay lamang ang mga estudyante ay hindi basta-basta ang suspensyon ng klase.

Paliwanag ni San Antonio, nakadepende raw ang class suspension sa sitwasyon sa area.