-- Advertisements --

Kanselado ang mga klase sa maraming mga lugar sa bansa ngayong araw ng Lunes, Nobiyembre 11 dahil sa epekto ng bagyong Nika.

Sa Metro Manila, nagdeklara ng suspensiyon ng klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa 14 na siyudad at 1 bayan. Subalit sa Makati city at Taguig city, nag-deklara ng suspensiyon ng klase sa kindergarten hanggang Grade 12 habang sa lungsod ng Maynila, nag-shift sa online classes ang private schools.

Sa CAR, walang klase sa lahat ng antas private at public sa Baguio city at sa buong probinsiya ng Benguet habang sa Abra, kinansela ang klase mula Kinder hanggang Grade 12 sa public at private. Sa Bontoc, Mountain province – mula kinder hanggang senior high school.

Sa Region I (Ilocos Region), walang pasok sa kinder hanggang Grade 12 sa public schools sa Dagupan city habang kanselado ang klase sa lahat ng antas sa public at private sa buong lalawigan ng Pangasinan.

Sa Region II (Cagayan Valley), suspendido ang klase sa preschool hanggang senior high school public at private sa Santo Niño, Cagayan habang sa Echague, Isabela – all levels, public at private.

Sa Region III (Central Luzon), ang mga lugar na walang klase sa lahat ng antas, public at private ay sa Angeles city sa Pampanga, Aurora province, Santa Maria sa Bulacan, Cabanatuan, San Isidro at Sto Domingo sa Nueva Ecija.

Kanselado naman ang klase mula Kinder hanggang SHS public at private sa San Jose del Monte Bulacan at sa Conception, Paniqui, Pura at Tarlac city sa probinisya ng Tarlac.

Sa Region IV-A (CALABARZON), nag-shift sa modular distance learning ang mga klase sa Alitagtag, Batangas mula kinder hanggang SHS public at private habang sa ibang lugar sa Batangas gaya ng Batangas city, Laurel at Nasugbu ay walang klase sa lahat ng antas gayundin sa buong probinsiya ng Laguna.

Nasa 32 lugar naman sa probinsiya ng Quezon ang nagdeklara ng suspensiyon ng mga klase sa kinder hanggang SHS public at private maging sa Jalajala sa Rizal habang kanselado ang klase sa lahat ng antas public at private sa Morong habang suspendido ang face to face classes sa Taytay, Rizal.

Sa Region V (Bicol Region), walang face to face classes mula Kinder hanggang SHS sa Bacacay, Malilipot, Malinao, Oas, Rapu-Rapu, Sto. Domingo, Tabaco city at Tiwi sa Albay.

Wala namang klase sa lahat ng antas sa Guinobatan, Albay pampubliko man o pribado gayundin sa buong probinsiya ng Camarines Norte, Camarines Sur at sa Virac, Catanduanes.